Posibleng makaapekto sa claim ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea ang nagbabanggaang pahayag ng mga opisyal ng gobyerno ukol dito.
Partikular dito ang naging pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef.
Sa kabilang dako, matibay naman ang posisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS) na ang bahura ay nasa loob ng EEZ ng bansa at ito ay bahagi ng Kalayaan Group of Islands.
Ayon kay UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Professor Jay Batongbacal, maaaring magamit na ebidensya ng ibang mga bansang may claim din sa bahura ang magkakaibang pahayag ng mga opisyal.
“’Yon pong ganoong klaseng inconsistencies, gagamitin po ng kabila yun na ebidensya na ni hindi natin alam kung ano talaga ang basehan ng sinasabi nating karapatan at dahil doon, humihina ang claim natin sa area,” ani Batongbacal sa interview ng RMN Manila.
Kaugnay nito, umapela naman si Surigao Del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng iisang boses sa usapin.
“Ayaw naman nating pangunahan yung mga ahensya na dapat nangunguna dito. Ang sa’kin lamang ay isang panukala na magkaroon ng isang boses ang mga legislators, both houses, na nagkakaisa tayo sa pagsisigaw sa buong mundo na ang Julian Felipe Reef ay pag-aari ng Pilipinas,” giit ng kongresista.