Cauayan City, Isabela- Sa kulungan ang bagsak ng dalawang magkapatid kabilang ang kanilang pinsan matapos na maaresto ng mga otoridad sa pamamagitan ng kanilang warrant of arrest dahil sa kasong pambubugbog o physiçal injury at direct assault to an agent of person in authority sa dalawang Barangay Tanod sa San Francisco, Aglipay, Quirino.
Sa direktiba ni P/Capt. William Agpalza, hepe ng PNP Aglipay sa kanyang kapulisan ay naaresto ang tatlong akusado na nakilalang sina Glen Arnel Paludap, 22-anyos, Adriel Paludap, 24-anyos at Archy Sampayan, 18-anyos na pawang mga residente sa naturang lugar.
Naaresto ang tatlo sa bisa ng mandamiento de aresto na ipinalabas ni Hukom Donabel Balot, 2nd Judicial Region MTC ng Aglipay, Quirino na may piyansang tig-tatlumpu’t anim na libong piso (P36,000.00) sa bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Nag-ugat ang kaso ng tatlong akusado ng bugbugin nila umano ang dalawang barangay tanod na sina Reynaldo Belogot at Dominador Orpiano na kapwa residente rin sa naturang lugar nitong nakalipas na Hulyo ng taong kasalukuyan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa magkapatid, kanilang idinepensa na umawat lamang umano sila sa isang komprontasyon at sila’y nadamay lamang.
Ayon naman sa pulisya, lasing umano ang mga suspek nang ireklamo sila at may pasa sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang dalawang tanod nang magtungo noon sa himpilan ng pulisya.
Ang tatlong akusado ay pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya para sa dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.