Nabigo ang mga miyembro ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSSAA) na arestuhin ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Retired Major General Rene Samonte, hindi na matagpuan ang magkapatid sa ibinigay nilang address ng condo nila sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig at sa Greenhills, San Juan.
Sabi ni Samonte, sarado na ang kanilang condo units pero may lead naman silang sinusundan na posibleng magturo sa kinaroroonan ng magkapatid na Dargani.
Sina Mohit at Twinkle ay cited in contempt kahapon at ipinaaresto ng Senate Blue Ribbon Committee para iditine sa senado.
Ito ay dahil sa patuloy nilang pagtanggi na isumite ang mga hinihinging dokumento kaugnay sa iniimbestigahan ng komite na umano’y overpriced na pandemic supplies na binili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally.
Sa preliminary report na inihahanda ni Committee Chairman Senator Richard Gordon ay kasama ang magkapatid na Dargani at iba pang mga opisyal ng Pharmally at PS-DBM sa irerekomendang pakasuhan sa Ombudsman at Sandiganbayan.