Magkapatid na namatay sa sunog sa Tondo, natagpuang magkayakap

Magkayakap na narekober ang bangkay ng magkapatid matapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Tondo, Maynila, Oct. 23, Martes.

Nasawi sina Aliyah Raine Morales, 9, at Anastasia Marie,1 na naninirahan sa Bulacan St., Gagalangin Tondo.

Ayon sa ulat, napadaan umano ang isang residente at napansin nito ang apoy sa itaas ng bahay bandang alas-9 ng umaga.


Tinanong raw niya ang noo’y tao ng naturang tahanan na si Rebecca de Guzman, kung mayroong nagluluto sa ikalawang palapag.

“May dumaan na tao. [Nagtanong] May nagluluto raw po ba sa taas? Sabi ko wala dahil walang tao. Eh bakit may apoy? Nung pagtingala kong ganyan, sunog na,” aniya.

Hindi raw nila inakalang nasa taas ang magkapatid dahil bago pa umano mangyari ang sunog ay nakita nilang umalis ang dalawa.

Hindi rin napasok ang bahay dahil nasusunog na rin maging ang hagdan papunta sa kwarto ng dalawa.

Matapos ang trahedya ay tumambad ang wala ng buhay na magkapatid na magkayakap pa kung saan kasama rin nila ang alagang aso’t pusa.

Batay sa imbestigasyon, posible raw na hindi nadinig ang sigaw ng mga bata dahil wala umanong bintana ang kanilang kwarto.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang magulang ng dalawa na naiulat na nasa trabaho noong mangyari ang insidente.

Facebook Comments