Manila, Philippines – Pinakakasuhan na ng Department of Justice sa korte ang magkapatid na Parojinog na naaresto sa isinagawang operasyon ng pulisya sa kanilang compound sa lungsod ng Ozamiz nuong Linggo ng madaling araw.
Sa 15-pahinang inquest resolution ng DOJ na aprubado ni Acting Prosecutor General Severino Gana, sina Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr. ay pinakakasuhan ng reklamong illegal possession of firearms and ammunition na paglabag sa ilalim ng Section 28 ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang dalawa ay pinasasampahan din ng reklamong possession of dangerous drugs na paglabag sa ilalim ng Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Karagdagang reklamo na illegal possession of explosives na paglabag sa Section 1 ng Republic Act 9516 ang ihahain laban kay Reynaldo Jr.
Ito ay makaraang makitaan ng probable cause ng DOJ ang reklamong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.