MAGKAPATID, NATAGPUANG NALUNOD SA HUKAY NA PUNO TUBIG BAHA

Narekober ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawang magkapatid na nalunod sa hukay na puno ng tubig baha sa Ramon, Isabela.

Kinilala ang mga nasawi na sina Mary Anne, 9 na taong gulang habang ang nakababatang kapatid naman nito ay si Primo, 5 taong gulang.

Ang mga bata ay naiulat na nawawala sa Brgy. Burgos, Ramon, Isabela kamakailan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Police Regional Office 2, narekober sa tulong ng PNP Ramon, opisyales ng barangay at mga residente ang bangkay ng mga bata sa isang proposed building bandang alas 7:50 ng gabi noong Agosto 14, 2022.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng nahulog ang mga bata sa butas na puno ng tubig baha dahilan ng pagkalunod ng mga ito.

Kinumpirma naman ng ama ng mga biktima na ang nawawalang anak niya ang narekober ng mga awtoridad.

Paalala naman ng pulisya sa mga magulang na bantayan ang mga anak na nasa murang edad upang di na maulit ang insidente.

Facebook Comments