Magkapatid, Pinagbabaril ng Pinsan Bilang Ganti sa Naganap na Bugbugan!

San Mariano, Isabela – Pinagbabaril ng pinsan mismo ang dalawang magkapatid kagabi sa San Mariano, Isabela bilang ganti sa naganap na bugbugan ng mga ito noong Sabado.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Deputy Chief of Police Senior Inspector Garry Macadangdang ng San Mariano Police Station na sinadya ng suspek ang magkapatid sa kanilang bahay upang gumanti umano sa pambubugbog ng dalawa na una namang naayos sa barangay.

Hinanap ng suspek sa loob ng bahay ang magkapatid at nang matagpuan ay biglang pinag-babaril ang mga ito na hindi naman natamaan dahil tumakbo ng mabilis ang dalawa.


Kinilala ang mga biktima na sina Melvin Talaue, bente singko anyos, magsasaka at Rody Talaue, disisais anyos na pawang residente ng Purok 1, Brgy. Alibadabad, San Mariano, Isabela.

Samantala ang suspek ay kinilala na si Alejandro Batingan, tatlumput siyam na taong gulang, may asawa, isang karpentero at residente rin ng naturang lugar.

Sinabi pa ni Police Senior Inspector Macadangdang na gumamit ng caliber 45 ang suspek at nahuli sa lugar kasama ang ilang opisyal ng barangay, ilang sundalo at mga pulis ng PNP San Mariano.

Hindi nakuha ang baril na ginamit ng suspek at iniimbestigahan pa ito ng kapulisan hanggang sa ngayon habang inihahanda ang kasong Double Attempted Murder at Resistance and Disobedience to Lawful Arrest.

Facebook Comments