Manila, Philippines – Magkakasalungat ang mga pahayag ng mga opisyal ng Bureau of Customs kaugnay sa umano ay P6.8 Billion illegal drugs sa GMA, Cavite na nakalusot sa BOC.
Sa ika-apat na joint investigation ng Committees on Dangerous Drugs at Public Accountability kaugnay sa nakalusot na shabu shipment, nanindigan pa rin si Atty. Lourdes Mangaoang, Deputy Collector Passengers Area sa NAIA Collection District, na shabu ang laman ng mga magnetic lifters.
Paliwanag ni Mangaoang, kung pagbabatayan ang image analysis ay masasabing may laman nga ang mga magnetic lifters sa Cavite.
Pinagbatayan ni Mangaoang ang weigh at chemical analysis na lumabas sa imbestigasyon sa Senado kaya niya nasabing iligal na droga ang laman ng mga magnetic lifters.
Iginiit nito na hindi kailangan maging expert para malaman kung ano ang laman ng mga containers.
Pero taliwas naman dito ang pahayag ni John Mar Morales ng BOC-XIP na walang laman ang mga magnetic lifters.
Paliwanag nito, walang nag-register na density at kulang ang pseudo-colors na nagregister nang idinaan sa xray ang mga magnetic lifters.
Nang matanong naman si Mangaoang ni Public Order and Safety Chairman Romeo Acop kung nagsagawa ito ng imbestigasyon para masabing droga ang laman ng mga magnetic lifters, sinagot ni Mangaoang na nagsagawa siya ng occular investigation.
Napag-alaman naman mula kay Customs Commissioner Isidro Lapena na hindi niya ino-authorize si Mangaoang na magsagawa ng occular investigation sa Cavite.