Umaasa si Assistant Majority Leader at Iloilo City Rep. Julienne Baronda na mabilis na pagtitibayin sa Kamara ang panukalang Magna Carta for Barangay Health Workers.
Sa ngayon ay ikino-consolidate na ng technical working group ang ipinasang substitute bill ng 39 na panukalang inihain para sa pagsusulong ng karapatan at dagdag na benepisyo para sa mga barangay health workers.
Tinukoy ni Baronda na ang mga barangay health workers ay katuwang para sa paghahatid ng mga health services ng gobyerno.
Sa ilalim ng House Bill 1557 ni Baronda, isinusulong na mapalakas ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad sa pamamagitan ng pag-aatas sa Local Government Units (LGUs) na magtalaga ng hanggang limang barangay health workers na dadaan muna sa accreditation ng local health board.
Nakapaloob din sa panukala ang pagkakaloob ng benepisyo, incentives, allowances at pagtiyak ng security of tenure ng mga barangay health workers.
Nakatakda nang isalang sa deliberasyon ng plenaryo ang panukala at inaasahang maaprubahan ito agad sa ikalawa at ikatlo at huling pagbasa.