Magna Carta ng mga tricycle driver at operators, nakalusot sa komite ng Kamara

Pasado na sa House Committee on Transportation ang substitute bill ng panukala para sa pagkakaroon ng Magna Carta ng mga tricycle driver at operators.

Ayon kay Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, sponsor ng substitute bill, layunin ng pagkakaroon ng Magna Carta na pangalagaan ang karapatan ng mga nasa sektor ng tricycle.

Tinukoy ng kongresista na mahalagang papel sa ekonomiya ang ginagampanan ng tricycle sector dahil isa ang tricycle sa pangunahing transportasyon na ginagamit ng mga taga-siyudad at kahit sa mga probinsya.


Tinatayang aabot sa 5 milyong tricycle units ang mabebenepisyuhan ng panukala sa oras na ito ay maging ganap na batas.

Bukod sa proteksyon sa karapatan na ibinibigay ng panukala, gagawing mandatory ang membership ng mga tricycle driver sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Itatakda rin ang pagkakaroon ng parehong requirement sa pagkuha ng prangkisa ng tricycle at one-stop-shop sa bawat Local Government Units (LGUs) at pagtatakda ng technical requirement ng mga tricycle unit na papayagang ipasada.

Isinusulong din ang ₱1 bilyong paunang pondo para sa SSS at PhilHealth premium ng mga miyembro ng tricycle sector.

Facebook Comments