Magnanakaw ng Kandado, Arestado!

Santiago City, Isabela- Arestado ang isang lalaki matapos magnakaw sa isang General Merchandise kahapon, Enero 28, 2018 sa Panganiban Street, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Ricardo Reyes, 46 anyos at residente ng Nagassican, Santiago City, Isabela.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng Station 1 PNP Santiago City, naaktuhan umano ng isang saleslady na isinisiksik ng suspek sa kanyang bewang ang mga nakadisplay na padlock kaya agad itong isinumbong sa gwardiya.


Tumanggi pa umanong magpasuri sa gwardya ang suspek at tinangka ring tumakas subalit kaagad namang nahuli ng mga rumespondeng pulis.

Nabawi mula sa suspek ang mga ninakaw na pitong piraso ng padlock na nagkakahalaga ng mahigit isang libong piso.

Hawak na ngayon ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong Pagnanakaw.

Facebook Comments