Niyanig ng magnitude 6.3 na lindol ang Calatagan, Batangas alas 7:43 kaninang umaga, araw ng Pasko.
Naitala ang episentro nito sa layong 15 kilometers Southwest ng bayan ng Calatagan.
May lalim itong 109 kilometers at tectonic ang origin.
Naramdaman din ang pagyanig sa Metro Manila at karatig-probinsya.
Naitala ang Intensity IV sa Lemery at Malvar, Batangas; San Pedro, Laguna; Maynila; Pasig; Marikina; Quezon City; Cainta at Antipolo sa Rizal.
Habang Intensity III sa Caloocan, Valenzuela, Malabon, Tanay sa Rizal; San Jose Del Monte at Plaridel, Bulacan; Gapan City, Nueva Ecija; Cabangan at Iba, Zambales at Samal, Bataan.
Intensity II naman sa San Isidro, Nueva Ecija at Alaminos City, Pangasinan.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na kahit nakararanasa ng mga aftershock ilang minuto matapos ang pagyanig ay hindi dapat ipangamba ang tsunami dahil malalim ang lindol.
Nilinaw din ni Solidum na walang kinalaman sa Bulkang Taal ang pagyanig.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, walang naitalang pinsala sa Calatagan dahil sa lindol habang tatlong bahay ang bahagyang napinsala sa Lubang Island, Occidental Mindoro.