Indonesia – Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Indonesia matapos ang panibagong lindol na yumanig sa nasabing bansa na nag-iwan ng 98 patay.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kaisa ang Pilipinas sa pakikidalamhati sa mga nasawi sa trahedya.
Kasunod nito kinumpirma ng DFA na walang nadamay na Filipino sa magnitude 7.0 na lindol.
Sa ulat ni Philippine Embassy in Jakarta Ambassador Leehiong Wee, nasa ligtas na kalagayan ang 250 myembro ng Filipino community sa Lombok.
Pero pinayuhan anila ang mga Pinoy na wag mag atubiling lumapit sa embahada kung kailangan ng tulong.
Sinabi din nitong ligtas ang seven-member Philippine delegation na dumadalo noon ng meeting sa Lombok nang mangyari ang pagyanig.
Matatandaang bago ang magnitude 7.0 na lindol nakaranas din ang Lombok at ilang kalapit na lugar ng 6.4 magnitude na lindol na nag-iwan naman ng 17 patay.