Manila, Philippines – Magpapasaklolo na kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang kampo ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated kaugnay ng nag-leak na kopya ng resolusyon ng piskalya sa Paranaque City sa kasong estafa na kanilang inihain laban kay Japanese gaming tycoon Kazuo Okada.
Ayon kay Atty. Alfredo Malvar, abugado ng Tiger Resort, idudulog nila kay Guevarra ang reklamo nila laban kay Paranaque City Prosecutor Amerhassan Paudac na bias at gross impartiality.
Ang Tiger Resort ang may-ari ng Okada Manila Casino Resort and Hotel.
Ito ay dahil sa lumabas na kopya ng diumano’y resolusyon ng Paranaque Prosecutors Office na nagbabasura sa dalawang reklamo ng estafa laban kay Okada.
Lumabas ang kopya ng resolusyon sa social media account ng isang taong hindi partido sa kaso, gayong ang mismong Tiger Resort na naghain ng reklamo at ilang beses nang nagtanong kaugnay sa estado ng kaso pero hindi pa nabibigyan ng kopya.
Dahil dito, naghain na ang complainant ng urgent motion para sa pag-iinhibit ni Paudac sa kaso.
Si Okada ay nahaharap sa multiple counts of estafa dahil sa paglustay sa mahigit $10 million na pondong pag-aari ng TRLEI o Tiger Resort Leisure & Entertainment Incorporated sa pagitan ng 2016 at June 2017.