Magpinsan na Binatilyo sa Baggao, Cagayan, Ginahasa!

Baggao, Cagayan – Ginahasa ng kapwa lalaki ang dalawang binatilyo kamakailan sa Zone 5, Barangay Alba, Baggao, Cagayan.

Sapanayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Emil Pajarilyo, hepe ng Baggao Police Station na ang mga biktima na itinago sa pangalang “John at Jay”, ay isang kinse anyos at labinpitong taong gulang na pawang mga estudyante, magpinsan at residente ng nasabing lugar.

Habang ang suspek ay kinilalang si Modesto Dorendes, limampung taong gulang, may asawa, tubong Bacolod City, Negros Occidental, tiyuhin ng dalawang binatilyo at kapit-bahay ng mga biktima.


Ayon sa pangyayari, buwan ng Mayo nang unang hinalay ni Modesto ang biktimang si Jay at nitong buwan ng Hunyo ay ang kinse anyos na si John kung saan inutusan umano ng suspek ang binatilyo na bumili sa tindahan at nang makabalik na ang binata ay bigla na lamang hinila ni Dorendes sa loob ng kaniyang kwarto at dito isinagawa ang panghahalay.

Sinabi pa ni Police Chief Inspector Pajarilyo na hindi agad nagsumbong ang mga binatilyo dahil sa takot ngunit naglakas loob umano si John at sinamahan naman ng kaniyang ina sa pulisya.

Sa ngayon ay hindi pa naaaresto ang suspek dahil hinihintay pa lamang umano ang resulta ng medico legal ng dalawang biktima na gagamitin bilang ebidensya laban sa suspek.

Samantala, inihahanda na ng kapulisan ang dalawang kaso ng panggagahasa at paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Their Children Act na kakaharapin ni Modesto Dorendes.

Facebook Comments