Magreretirong OFW, ‘di pababayaan ng Lacson government

Maagap na pagpaplano para sa pagreretiro ng mga overseas Filipino workers (OFW) ang nakikita ni Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang isa sa mga solusyon upang matulungang makaahon at mapaunlad ang buhay ng ating mga manggagawa at kanilang pamilya.

“Kailangan may government intervention. Tinatawag nating mga bagong bayani pero tinatrato ba natin silang bayani?… Ni wala nga tayong programa sa retirement nila. Halimbawa, natapos na ‘yung contract [at] bumalik na sa Pilipinas. Minsan wala tayong ayuda… Ibig sabihin, wala tayong programa para sa kanila,” sabi ni Lacson sa one-on-one presidential interview ni Boy Abunda.

Bagama’t may mga pauna nang hakbang ang pamahalaan hinggil dito sa pamamagitan ng pagpapatibay sa isang batas na lilikha sa Department of Migrant Workers na mangangalaga sa kapakanan ng mga OFW, sinabi ni Lacson na kailangang bantayan ang implementasyon nito.


“Iyon magandang step ‘yon [but] again, ang babantayan natin [ay] implementation. Marami tayong batas na isinagawa, na ipinasa na napakagaganda. Pagdating sa implementasyon, diyan nagkakaloko-loko,” ani Lacson.

Bukod sa retirement plan, sinabi rin ni Lacson na kinakailangan na ring gamitin at palakasin pa ang teknolohiya sa Pilipinas upang makatulong sa mga OFW na inaabuso, nangungulila sa pamilya, at humihingi ng tulong sa pamahalaan.

The world has become very small now because of the modern information or communication technology. Gamitin natin [at] i-harness natin ‘yan para ma-solve natin ‘yung pangungulila, hindi lamang ‘nung OFW kundi ‘yung mga naiwan dito,” ani Lacson.

Nakakadismaya umano, ani Lacson, na sa kabila ng kanyang pagsusulong para mabigyan ng mas malaking pondo ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa National Broadband Program, tanging P2 bilyon lang ang inilaan ng national government.

“Ang request nila para mapaandar na ‘yung National Broadband Program… Meaning, mag-i-improve ‘yung ating internet service, ‘yung speed. Ang hinihingi lang nila P18-billion additional. Ako ‘yung nag-sponsor. Ano ibinigay ng national government? P2-billion,” ayon sa mambabatas.

“Ang sabi nila ‘walang mangyayari kasi gusto naming buuin na ‘yung national broadband, ‘yung mismong highway at mag-i-improve ‘yung internet speed’. Wala tayong ganoon,” dagdag niya.

Ayon pa sa presidential candidate, sa ilalim ng kanyang pamumuno, palalakasin ang tulong sa lokal na industriya, manufacturing, at mga maliliit na negosyante upang magkaroon ng pagpipilian ang mga Pilipino na hindi na mangibang-bansa para kumita.

Facebook Comments