Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang magsasaka matapos itong matiklo sa pagnanakaw ng 15 na kaban ng palay sa isang rice mill sa Brgy. Cabugao, Echague, Isabela.
Kinilala ang suspek na si Michael Bartolome, 33 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Sta. Cruz, Echague, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa mga nagpapatrolyang pulis kaugnay sa nakitang isang lalaki na hinihinalang nagnanakaw ng palay sa Pablo’s Rice mill na pagmamay-ari ni Judy Bernardino, 32 anyos, negosyante, na residente ng Brgy. Malibago, Echague, Isabela.
Sa pagresponde ng mga pulis ay nasundan si Bartolome sa sementeryo kung saan nito isinalansan at itinago ang mga ninakaw na palay gamit ang kanyang motorsiklo.
Dito na naaktuhan ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Inamin naman ng suspek na ninakaw nito ang 15 kaban ng palay at isang sakong bigas na may katumbas na halagang halos P18,000.00 kung saan ay sinira at dumaan umano ito sa gate ng nasabing rice mill.
Nasa kustodiya na ng PNP Echague ang suspek habang inihahanda na ang kasong Robbery isasampa laban sa kanya.