DA Region 2, Hinikayat ang mga Hog raisers na irehistro sa PCIC ang mga Alagang Baboy
Cauayan City, Isabela- Hinimok ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang mga backyard hog raisers na irehistro sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang kanilang mga alagang baboy.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo, kailangan lang makipag-ugnayan ang mga hog raiser sa kani-kanilang Municipal Agriculture Office (MAO) para sa hakbang na ito.
Nilinaw din niya na para lamang ito sa mga backyard hog raiser at hindi sa mga establisyimentong nag-aalaga ng baboy.
Dagdag pa rito, sumulat na rin si Edillo sa lahat ng tanggapan ng Gobernador sa buong rehiyon upang hikayatin ang mga hog raiser na magbabalak mag-alaga ng baboy kung naideklara ng ASF-Free ang kanilang lugar sa nakalipas na limang (5) buwan ay papayagan na silang mag-alaga subalit may mga pagdadaanan pa umanong proseso bago ito isagawa.
Samantala, nagpamahagi na rin ng sentinel pigs ang ahensya sa piling mga lugar upang obserbahan sa loob ng 45-araw ang alagang baboy habang isasailalim rin ang dugo ng mga baboy sa pagsusuri para masigurong ligtas ito sa banta ng ASF at kung magnegatibo man ang resulta ay papayagan ng mag-alaga ang hog raisers sa orihinal na kapasidad ng kanilang babuyan.
Kasalukuyan na rin aniya ang pagproseso sa pondo ng mga naapektuhan ng ASF sa nakalipas na October hanggang December 2020 upang mabigyan na sila ng ayuda na magagamit sa kanilang muling pagbangon.
Paglilinaw pa ni Edillo na libre lang ang insurance mula 45-days old pataas at kapag umabot ng apat (4) na buwan ang alagang baboy at tinamaan ng sakit at namatay ay makakatanggap umano ng maximum P10,000 ang mga hog raiser.