Magsasaka na nanakot at nanutok ng baril, huli sa Quezon, Isabela!

*Quezon, Isabela- *Arestado ang isang magsasaka matapos manutok ng baril at pagbantahan ang isang lalaki sa Brgy. Arellano, Quezon, Isabela.

Kinilala ang naaresto na si Larry Navarro, 29 anyos, binata, residente ng Brgy. Barucboc, Quezon, Isabela habang ang biktima ay kinilalang si Robert Martin, 45 anyos, nakatira naman sa Brgy. Samonte, Quezon, Isabela.

Batay sa ibinahaging impormasyon ng PNP Quezon sa RMN Cauayan, pauwi na sa kanyang bahay ang biktima lulan ang minamanehong motorsiklo at nang makarating sa Brgy. Arellano ay bigla na lamang itong hinarang at pinahinto ng suspek.


Lumapit umano ang suspek sa biktima at dito tinutukan ng baril habang pinagbabantaan.

Agad namang nagreport sa mga nagpapatrolyang pulis ang biktima hinggil sa ginawa Navarro na nagresulta sa pagkakaaresto nito.

Nakumpiska naman mula sa pag-iingat ng suspek ang isang improvised 12 gauge shotgun.

Nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso ang suspek gaya ng paglabag sa RA 10591, Omnibus Election Code at Grave Threat.

Facebook Comments