Magsasaka, Natagpuang may tama ng bala ng Baril sa Katawan

Cauayan City, Isabela- Natagpuang wala ng buhay ang isang magsasaka malapit sa isang balon pasado 1:00 ngayong hapon sa Brgy. Mangga, Quezon, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Roperto Corsino, 49-anyos, may-asawa, at residente sa nasabing lugar.

Ayon kay PCapt. Rouel Meña,hepe ng PNP Quezon, pasado alas-11:00 kaninang umaga ng may marinig na putok ng baril ang pamilya ng biktima subalit hindi nila ito pinansin dahil sa pag-aakalang kung ano lang ito.


Aniya, nagtungo ang kapatid ng biktima sa kanilang farm para maglaba ng kanilang damit subalit nasorpresa ito ng makitang nakahandusay ang bangkay ng kanyang kapatid na may sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan kabilang ang tama ng bala ng baril sa likuran nito.

Agad na humingi ng tulong ang kapatid ng biktima para ipaalam ang kalagayan ng kanyang nakatatandang kapatid.

Narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala ng baril.

Inaalam naman ng awtoridad kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima at kung sino ang nasa likod ng nasabing pamamaril.

Facebook Comments