Magsasaka, Patay ng Laslasin ang Leeg ng kanyang Kainuman

14

Cauayan City, Isabela-Patay ang isang lalaki matapos mauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang sana’y masayang inuman sa Brgy. Takiki, Gattaran, Cagayan kahapon, Hulyo 29.

Batay sa imbestigasyon ng Gattaran Police Station, kinilala ang biktima na si alyas Santino, 34-anyos, may asawa, magsasaka, tubong Bulacan na kasalukuyang naninirahan sa nasabing barangay habang ang suspek ay si alyas Nico, 41-anyos, magsasaka na residente rin sa nabanggit na lugar.


Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, kasama ng suspek ang biktima na umiinom sa kanyang bahay ng mauwi sa pagtatalo ang kanilang masayang kwentuhan matapos umanong pagbantaan ng biktima na papatayin nito ang suspek.

Dahil dito, nag-init ang ulo ng suspek at kinuha ang kanyang bolo sa kanilang kusina na kaagad namang nilaslas ang leeg ng biktima dahilan ng agad nitong pagkamatay.

Dakong alas-5:20 ng hapon noong July 29, tumawag ang kapitan ng barangay upang ipagbigay-alam ang nangyaring insidente kung kaya’t kaagad na bumuo ng isang grupo ang pulisya upang beripikahin ang natanggap na ulat.

Tumambad sa mga awtoridad ang duguan na katawan ng biktima at kaagad din na dinala sa isang punerarya para isailalim sa post-mortem examination.



Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda ang kaso laban sa kanya.

Facebook Comments