Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Mallig Police Station, kinilala ang biktima na si Joel Alvarez, 46-anyos, may asawa, isang magsasaka, at residente sa nabanggit na lugar habang ang suspek ay kinilalang si Rodrigo Bonita, 48-anyos, may asawa, isa ring magsasaka at residente ng Brgy. San Jose Sur, Mallig, Isabela.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, si Bonita ay nakipag-inuman sa isang birthday celebration at nagtungo sa bahay ni Alvarez kasama ang kaniyang anak na nagngangalang Rodolfo Bonita.
Nagulat na lamang si Alvarez ng komprontahin siya ni Rodolfo dahil sa nawawalang kapares ng tsinelas ngunit itinanggi nito na may kinalaman siya sa pagkawala ng kapares ng tsinelas na doon na nagsimula ang kanilang pagtatalo.
Ilang minuto ng humupa ang sigalot sa pagitan ng dalawa ngunit ang nakababatang Bonita ay itinulak ang gate ng bahay ni Alvarez at bigla na lamang nitong sinaksak ng dalawang beses ang biktima.
Matapos ang pananaksak, agad tumakas ang mag-amang Bonita sakay ng kanilang motorsiklo habang dinala naman ng kaniyang mga kaanak sa pagamutan ang biktima.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang Mallig Police Station kung saan nadakip ang suspek sa kanilang farmhouse sa Brgy. San Jose Sur at dito narekober ang isang jungle bolo na may dugo na hinihinalang ginamit sa pananaksak.
Nang maaresto ang suspek ay dinala ito sa himpilan ng PNP Mallig maging ang nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Mahaharap naman sa kaukulang kaso ang suspek dahil sa pagpatay sa biktima.