Quezon, Isabela – Pinagbabaril ng riding in tandem ang isang magsasaka kahapon sa National Highway ng Barangay Barucboc Quezon, Isabela dahil lamang sa away sa lupa.
Ayon kay SPO3 Ronald Mangsat, ang imbestigador ng PNP Quezon, kinilala ang biktima na si Reynaldo Seguancia, limampu’t apat na taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Aurora, Quezon, Isabela, samantala ang suspek ay si Joel Abenoja ng Brgy. Callanguigan, Quezon, Isabela at isa pang suspek na hindi pa nakikila hanggang sa ngayon.
Batay umano sa pangyayari, habang nakaupo ang biktima sa harapan ng isang kainan sa nabanggit na lugar ay bigla umanong sumulpot ang dalawang suspek na sakay ng isang XRM na motorsiklo at sa hindi malamang rason ay basta lamang pinagbabaril ng suspek ang biktima na maswerteng hindi naman natamaan.
Bigla namang umalis sa lugar ang dalawang suspek ngunit kaagad na naaresto matapos na magreport sa pulisya si Seguancia at napag-alaman na dahil sa away nila sa lupa ang naging motibo ng pamamaril.
Nakuha sa pag-iingat ni Abenoja ang isang baril ng caliber 45 na may pitong bala kung saan ay nasa pag-iingat na ngayon ng PNP Quezon para sa karagdagang disposisyon samantalang patuloy na tinutugis ng kapulisan ang isa pang suspek.