Magsasaka sa San Mariano Isabela, Pinagbabaril ng Isang Senior Citizen!

San Mariano, Isabela – Pinagbabaril ng isang senior citizen ang sariling pinsan dahil lamang sa personal na alitan bandang alas singko kaninang umaga sa Barangay Palutan, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO2 Romeo Gatan, ang imbestigator ng PNP San Mariano, kinilala ang biktima na si Arnold Laciste, limampu’t dalawang taong gulang, walang asawa, samantala ang suspek na pinsan ng biktima ay kinilalang si Domingo Laciste, animnapu’t anim na taong gulang, biyudo, pawang mga magsasaka at residente ng nabanggit na lugar.

Aniya inabangan umano ng suspek ang biktima sa bukid kung saan ay nagpastol ito ng kaniyang dalawang kalabaw at pinaputukan ng maraming beses.


Ayon pa kay SPO2 Gatan nakatakbo umano si Arnold ngunit sinundan parin ito ni Domingo at muling pinaputukan ng baril kung saan ay natamaan ang binti at batok nito.

Nagawa parin umano na makatakbo ang biktima at lumangoy patawid sa ilog para makarating sa karatig na barangay at doon nagpahatid sa isang concerned citizen sa himpilan ng pulisya.

Agad namang naaresto si Domingo at inihahanda na ng kapulisan ang kaniyang kaukulang kaso habang ang biktima naman ay nasa isang pagamutan sa Cauayan City para sa karampatang lunas.

Facebook Comments