Magsasaka, Sugatan Matapos Pagbabarilin sa City of Ilagan, Isabela!

Cauayan City, Isabela- Sugatan ang isang magsasaka na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Siffu, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Noel Galiza, 39 anyos, may-asawa, residente rin ng Brgy. Siffu, ng naturang Lungsod.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLtCol Virgilio Abellera Jr, hepe ng PNP Ilagan City, kasalukuyan pa ang kanilang imbestigasyon sa naturang pamamaril na nangyari dakong alas 9:00 kagabi upang matukoy at mahuli ang suspek.


Una rito, nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa kanilang brgy Kapitan na si Jenelyn Ramos na may nangyaring pamamaril sa kanyang lugar kung saan ay agad na naisugod sa pagamutan ang biktima.

Nagtamo ng tatlong (3) tama ng bala ng Caliber 45 sa likod na bahagi ng biktima.

Lumbas sa inisyal na pagsisiyasat ng otoridad, habang naglalaro sa cellphone sa harap ng kanilang bahay ang biktima ay biglang dumating ang suspek at pinagbabaril ito sa kanyang likod.

Agad na tumakas sa hindi malamang direksyon ang suspek matapos ang pamamaril.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong (3) basyo ng Caliber 45 na baril.

Facebook Comments