Magsasakang Bumaril sa Kapwa Magsasaka, Pinaghahanap Parin!

Cauayan City, Isabela- Dead on the spot ang isang magsasaka matapos itong barilin sa ulo ng kapwa magsasaka sa Brgy. Faustino, Cauayan City dakong alas dyes y medya kanina, Hunyo 24, 2018.

Kinilala ang nasawi na si Ernesto Cristobal, 64 anyos, may-asawa habang ang suspek naman ay kinilalang si Mario Legazpi, nasa hustong gulang, may asawa mga pawang magsasaka at residente sa naturang barangay.

Batay sa ipinarating na impormasyon ng Cauayan City Police Station, lumalabas sa pagsisiyasat ng kapulisan na dati na umanong may- alitan ang dalawang magsasaka na may kaugnayan sa lupang kanilang sinasaka.


Dagdag pa rito, kaninang umaga ay abala umano ang dalawa sa pag-aararo sa kanilang mga sinasakang bukid ng makiusap umano si Legazpi sa biktima na gumawa ng kanal upang magsilbing daluyan ng tubig na nagmumula sa irigasyon.

Samantala, tinanggihan naman umano ni Cristobal ang kahilingan ng suspek na naging dahilan upang barilin ni Legaspi ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.

Sa ngayon ay puspusan parin ang isinasagawang manhunt operation ng Cauayan City police Station para madakip si Legaspi at mapatawan ng kaukulang parusa.

Facebook Comments