Magsasakang Nagkakarga ng ‘Dayami’, Binaril-Patay

Cauayan City, Isabela- Agad na binawian ng buhay ang isang magsasaka matapos barilin dakong 1:30 kaninang hapon sa Purok 4, Barangay Alibadabad, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Remigio Cabaldo, 47-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. Disusuan, San Mariano, Isabela.

Sa ulat ng PNP San Mariano, kaagad na ipinaalam sa kanila ng kapitan ng barangay ang nangyaring insidente ng pamamaril sa lugar na kaagad namang nirespondehan.


Ayon pa sa report, sakay ng 6×6 truck na may plakang ZGG 541 ang biktima kasama ang iba pa upang magkarga ng rice straw o dayami ng bigla nalang dumating ang mga suspek sakay ng motorsiklo at binaril ng dalawang (2) beses si Cabaldo dahilan upang mapuruhan ang kanyang mukha na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Dahil sa insidente, kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad sa posibleng pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek.

Inaalam naman ng pulisya ang motibo sa pagpatay sa biktima.



Sa ngayon ay nasa isang punerarya ang biktima para sa isasagawang post mortem examination.

Facebook Comments