Benguet – Sisimulan na ng National Task Force on Mining Challenge ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang “Oplan Itogon” sa Oktubre.
Sa ilalim nito, ipasasara ng ahensya ang mga delikadong lugar sa pagmimina at huhulihin ang mga operator nito para matiyak ang kaligtasan ng mga minero at ng mga residente.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na bibigyan ng alternatibong trabaho ang mga residenteng maaapektuhan ng naturang hakbang.
Samantala, sisimulan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang psycological debriefing sa mga kaanak ng nasawi at mga biktima ng landslide sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet.
Mula sa 60, ibinaba ng mga otoridad sa 54 ang death toll mula sa gumuhong minahan dahil hindi muna isinama sa bilang ang mga nahukay na parte lang ng katawan.
At dahil nasa search and retrieval stage na, nagbawas na rin ng mga tauhan ang Office of Civil Defense sa lugar.
Hindi umano ititigil ang operasyon hangga’t hindi natatagpuan ang bangkay ng 19 pang indibidwal na iniulat na nawawala.