Magtatago o mamemeke ng impormasyon patungkol sa pagkamatay kaugnay sa drug overdose, mahaharap sa mabigat na parusa

Mahaharap sa mabigat na parusa ang sinumang indibidwal na magtatago o kaya ay mandodoktor ng impormasyon patungkol sa ‘drug overdose’.

Kaugnay na rin ito sa isinusulong ni Senator Lito Lapid na Senate Bill 1498 na layong isabatas at gawing obligado ang pag-uulat ng mga nasawi patungkol sa ‘drug overdose’.

Sa panukala, nakapaloob na ang sinumang indibidwal na napatunayang nagpigil, nagtago o pineke ang impormasyon tungkol sa pagkamatay dahil sa ‘drug overdose’ ay mahaharap sa multang ₱50,000 hanggang ₱500,000.


Ituturing namang ‘unlawful’ o labag sa batas kung ang magulang, asawa, kapatid, guardian, hospital, health care facility at physician ay magho-hold, hindi magsasabi o kaya ay magsisinungaling sa drug overdose incidents o deaths.

Inoobliga ng panukala ang kalihim ng Department of Health (DOH) na mag-publish ng bi-annually na ulat kaugnay sa nationwide drug overdose trend tulad ng mga nasawi at mga pagbabago sa sanhi at rates ng nakamamatay na drug overdose.

Binanggit din ni Lapid sa panukala na kung naiuulat lamang ang mga insidente at pagkamatay sa drug overdose, aksidente man ito o intensyong gawin, ay maiiwasan sana tulad ng mga side effects at life-threatening symptoms na maaaring idulot nito sa tao.

Facebook Comments