Manila, Philippines – Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na magpapadala ang Pilipinas ng panibagong ambassador sa Kuwait matapos pauwiin ng Kuwaiti Government sina Ambassador Renato Villa dahil sa issue ng ginawang rescue operations ng mga ito sa mga OFW sa Kuwait.
Nababahala kasi ang Malacañang sa nangyayaring diplomatic tension sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait kung saan pina-recall na rin ang ambassador nila rito sa Pilipinas na si Saleh Ahmad Althwaik.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kasama din sa priority list ng gobyerno ang pagpapadala ng bagong ambassador sa Kuwait na papalit kay Villa.
Pero sa ngayon aniya ay hindi pa nila alam kung sino ang itatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ambassador ng Pilipinas sa Kuwait.
Umaasa parin naman aniya ang Gobyerno na hindi na lalala pa ang Bilateral relation ng Pilipinas at Kuwait at mapaplantsa din ang gusot na ito.
Sinabi din ni Roque na naniniwala sila na tuloy parin ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para mapangalagaan ang kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) doon.