MAGTUTULONG | MPD at PCG, handa na sa fluvial parade ng Our Lady of Mt. Carmel mamayang madaling araw

Manila, Philippines – Magtutulong ang Philippine Coast Guard at ang Manila Police District sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan ng mga deboto na sasali sa prusisyon at fluvial parade ng Nuestra Señora Del Carmen o Our Lady of Mount Carmel.

Tinatayang dalawang libong pulis ang ipakakalat ng Manila Police District sa isasagawang fluvial parade ng Our Lady of Mount Carmel sa San Sebastian na magdiriwang ng ika-400 na taon Mayo 4.

Ayon kay MPD Spokesman, Supt. Erwin Margarejo, alas-2 ng madaling-araw mamaya ay dadalhin na sa Quirino Grandstand sa Rizal Park ang imahe ng Our Lady of Mount Carmel galing ng San Sebastian Church at inaasahang alas-4 ay sisimulan ang fluvial parade.


Sa sandaling makapag-dock na sa Manila Bay, ay magdaraos ng misa alas-6:30 kasunod nito ang prusisyon pabalik sa San Sebastian Church.

Ang ruta ng prusisyon ay mula sa Quirino Grandstand, kakanan sa Katigbak Drive, diretso sa Padre Burgos, patungong Finance Road, dadaan sa Taft Avenue, diretso sa Ayala Boulevard papuntang Ayala Bridge, kakaliwa sa Palanca kanan sa underpas ng Quezon Boulevard, kanan sa Villalobos patungo sa Quiapo para sa seremonya ng “Dungaw” sa imahe ng Black Nazarene.

Matapos ang Dungaw ang imahe ng Sra. Nuestra Del Carmen ay ibabalik sa Villalobos, kaliwa sa Palanca, kaliwa sa Solano tungo sa Legarda at kaliwa sa San Rafael hanggang sa Basilica de San Sebastian.

Katuwang ng MPD ang Philippine Coast Guard sa pagmamantine ng seguridad at kaligtasan ng mga deboto na sasali sa fluvial parade.

Facebook Comments