Manila, Philippines – Pumalo sa 5.2 porsiyento ang inflation rate nitong Hunyo na lagpas sa inaasahan ng gobyerno na pinakamataas sa nakalipas na limang taon.
Ayon kay National Economic and Development Authority Secretary Ernesto Pernia, inaasahan na nila ito pero maiibsan din bandang Oktubre.
Aniya ang pagpihit ng inflation rate ay bunsod ng pagmahal ng presyo ng alcoholic beverages, tobacco, electricity water, housing, transporation, gas at pagkain tulad ng bigas, mais, gulay at isda.
Sinusukat ng inflation ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sa tuwing pumipihit pataas ang inflation, lumiliit din ang kapasidad ng mga konsumer na makabili ng mga pangangailangan sa pang araw-araw.
Kasabay nito, nangako ang Bangko Sentral na pananatilihin ang inflation sa orihinal na target range na dalawa hanggang apat na porsiyento.