Mas maiging pag-aralan mabuti ang Maharlika Sovereign Fund upang mas maging malinaw ang layunin nito.
Ito ang sagot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nang matanong sa Kapihan with the media sa Switzerland patungkol sa ginawang maagang soft launching ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa ginanap na World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switerland.
Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa naisasabatas ang House No. 6608 o ang Maharlika Investment Fund Act.
Paliwanag ng pangulo, patuloy itong pinag-aaralan sa ngayon dahil importante sumakto ang pagkakagawa ng MIF sa Philippine condition.
Marami aniyang investment fund sa buong mundo, pero magkakaiba ang purposes, methodology at maging ang pagpapatupad nito na nakabase sa umiiral na batas.
Kaya ito aniya ngayon ang tinututukan ng mambabatas ng Pilipinas para pulido ang pagkakabuo ng panukalang Maharlika Investment Fund.
Sinabi pa ni PBBM na nakatanggap siya ng suhestyon mula sa mga business leader na maglikom ng pera para sa MIF sa pamamagitan ng Initial Public Offering o IPO.
Pero, sinabi ng pangulo ay titingnan niya kung sakto o appropriate ang suhestyong ito ng mga business leader para sa Maharlika Investment Fund.
Una nang sinabi ng pangulo sa kaniyang mensahe sa ginanap na Philippines Country Strategy Dialogue sa World Economic Forum na ang bansa ay magkakaroon ng kauna-unahang sovereign wealth fund na isa sa mga paraan para ma-diversify ang financial portfolio ng Pilipinas at upang magkaroon nang mas maraming investment na may magandang resulta sa employment, ma-improve ang public service at mababawasan ang gastos sa economic activities.