Umabot sa mahigit ₱84 million na halaga ng supplies ang naipamahagi ng Department of Health para sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.
Sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga ito ay kinabibilangan ng 100,000 N-95 masks, hygiene kits, assorted medicines at jerry cans.
Samantala, nakapagsagawa rin ang Department of Health (DOH) ng COVID-19 vaccination sa mga evacuation centers bukod sa konsultasyon at disease surveillance na bahagi ng kanilang medical response.
Nasa 3,280 pamilya o katumbas ng mahigit 16,400 indibidwal ang direktang naapektuhan ng pagputok ng bulkan partikular sa mga bayan ng Juban at Irosin.
Sa ngayon, nakataas pa rin aniya ang code white sa dalawang lugar kung saan patuloy ang pagbabantay ng DOH sa sitwasyon katuwang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Sa ilalim ng code white, buong pwersa ng mga medical personnel kahit ang mga naka-off duty at on-call ay kinakailangang rumesponde kung kinakailangan.
Una nang sinabi ng PHIVOLCS kahapon na posible anumang oras ang pagputok ng bulkang bulusan dahil sa pagtaas ng mga aktibidad nito.