Mahigit ₱38-M na tulong, naipagkaloob na ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng pagbaha sa ilang rehiyon sa bansa

Kasunod ng lawak ng pinsala na idinulot ng sama ng panahon sa ilang rehiyon sa bansa bunsod ng shearline, patuloy sa pagbibigay ng ayuda ang pamahalaan sa mga kababayan nating naapektuhan ng sama ng panahon.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nakapagbigay na ang gobyerno ng kabuuang ₱38.5-M na tulong sa mga apektadong residente.

Kabilang sa mga naipamahagi na ay ang family food packs, bottled water, sleeping kits, hygiene kits, hot meals, modular tent, assistance to individuals in crisis situation at iba pa.


Ayon pa sa NDRRMC, ang tulong ay naibigay sa mga apektadong indibidwal mula sa MIMAROPA, Regions 5, 6, 7, 8, 9, 10 at CARAGA.

Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, nasa kabuuang 105,971 pamilya o katumbas ng mahigit 407,000 mga indibidwal ang naapektuhan ng sama ng panahon mula sa 758 na barangay sa mga nabanggit na rehiyon.

Facebook Comments