Mahigit ₱40-B, mawawalang kita sa turismo ng bansa hanggang sa Abril dahil sa COVID-19

Tinatayang aabot sa mahigit ₱40 Billion ang mawawalang kita ng bansa sa turismo dahil sa Corona Virus Disease o COVID-2019.

Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, sa kanilang forecast mula Pebrero hanggang Abril ay posibleng umabot sa ₱42.9 Billion ang mawawala sa kikitain sa turismo ng bansa mula sa China, Hong Kong, Macau at Taiwan.

Paliwanag ni Romulo-Puyat, malaki na ang kita sa turismo na nawawala sa bansa dahil sa mga kanselasyon ng flights at cruise mula sa China at sa mga special administrative regions nito.


Sa flights ay umabot na sa 465 ang kanselasyon habang 11 cruise sa iba’t ibang ports na rin ang sinuspinde muna bilang pag-iingat ng bansa sa pagkalat ng sakit.

Kung ngayong Pebrero naman ay tinatayang aabot sa ₱16.8 Billion ang malulugi sa bansa mula sa tourist arrivals.

Tiniyak naman ng Kalihim sa Kamara ang pagbibigay ng update sa magiging epekto ng COVID-19 sa ekonomiya at turismo ng bansa.

Facebook Comments