Sa Urdaneta City, isang 61-anyos na masahista ang naaresto matapos makuhanan ng tinatayang 65 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱442,000 sa buy-bust operation na isinagawa madaling araw ng Nobyembre 6.
Ayon sa ulat ng Pangasinan Police Provincial Office, ang operasyon ay ikinasa sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.
Narekober mula sa suspek ang limang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isang tooter na may residue, isang pouch, at ₱500 buy-bust money.
Ang suspek, na tinukoy bilang regional priority target, ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad.
Samantala, sa isa pang operasyon sa lungsod din ng Urdaneta, isang 58-anyos na lalaki ang naaresto matapos makumpiskahan ng 13 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱88,400.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Sections 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Narekober mula rito ang walong maliit na plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu.
Ang suspek ay nasa kustodiya na rin ng Urdaneta Police.
Samantala, sa Balungao, naaresto rin ng mga operatiba ng Balungao Municipal Police Station ang isang 23-anyos na lalaking walang trabaho sa isang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng 1.57 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱10,676.
Ayon sa pulisya, narekober mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, ₱100 tunay na pera, ₱1,000 boodle money, at isang itim na Infinix cellphone.
Isinagawa ang mga imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensiya ng mga itinakdang saksi, alinsunod sa batas.
Patuloy namang pinaigting ng mga awtoridad sa Pangasinan ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.









