Inihayag ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na patuloy ang ginagawang pakikipag-usap ng gobyerno ng Pilipinas para sa pagdating ng 1.3 million doses ng Sputnik V na inaasahan sa susunod na buwan.
Ayon kay Galvez, ipamamahagi ang 50,000 doses ng Sputnik V doses na dumating kagabi sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19 at malalaking populasyon.
Paliwanag ng opisyal, sa kabuuan umano ay sampung milyong doses ang makukuha ng Pilipinas mula sa Gamaleya Institute at hahatiin naman umano ito sa apat na tranches.
Kinumpirma rin ni Galvez na target ng gobyerno ng Pilipinas na maabot ang sampung milyong Pilipino na mababakunahan laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo at sisimulan na sa ikalawang linggo ang pagbabakuna sa A4 priority group.