Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa mahigit isang (1) milyong piso ang ibinigay ngayong araw, Hunyo 11, 2020 ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela sa bayan ng Roxas bilang tulong sa mga hog raisers na naapektuhan ng sakit na African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela, pinangunahan ni Governor Rodito Albano III ang pamamahagi ng tulong pinansyal na aabot sa halagang Php1, 197,000.00.
Isinagawa sa barangay Muñoz East at San Antonio ang pamimigay ng cash assistance para sa 66 na may-ari ng baboy na isinailalim sa pagpatay o culling.
Umabot sa 532 ang bilang ng mga baboy na ibinaon sa lupa mula sa iba’t-ibang barangay sa naturang bayan.
Ayon pa kay Ginoong Santos, agad na isinasailim sa culling ang mga baboy na nakitaan ng ASF upang hindi na makahawa sa iba pang mga baboy.
Patuloy rin aniya ang pagmamando ng mga otoridad sa mga ASF Checkpoints na nakatalaga rin sa mga Quarantine checkpoints upang mapigilan rin ang pagkalat ng naturang sakit ng baboy.
Dagdag dito, una nang nabigyan ng tulong pinansyal ng provincial government ang bayan ng San Isidro at isusunod na rin ang iba pang mga bayan na apektado rin ng ASF.