Inihanda na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang isang daan at limang miyembro ng Chemical, Biological, Radiological, Nuclear, and High yield Explosives o CBRNE personnel.
Ito ay bilang suporta ng PNP sa gobyerno sa repatriation ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa China sa harap na rin ng pinangangambahang pagkalat ng sakit ng Novel Corona Virus Acute Respiratory Disease (nCoV ARD).
Sinabi ni PNP Chief General Archie Francisco Gamboa, ang mga CBRNE trained personnel ay nagmula sa PNP Special Action Force, PNP Health Service, PNP Crime Laboratory at PNP Explosives Ordnance Division-K9.
Aminado naman si Gamboa wala silang kakayahang bigyan ng hazardous suit material ang lahat ng pulis nationwide na aabot sa 205,000 kaya tanging ang CRBNE trained personnel lamang ang gagamit nito na papalitan tuwing makalipas ang 8 oras.
Bukod dito, iniutos na rin ni Gamboa sa lahat ng PNP regional directors, National Support Units ang mamigay ng face mask sa mga PNP personnel at ang paglalagay ng mga alcohol dispenser sa mga opisina sa loob ng kampo.
Layon pa rin nitong makaiwas ang mga pulis sa nakakahawa at nakakamatay na nCoV.