Tuluyan nang napasakamay ng mga magsasaka ang mahigit 188 na ektaryang lupain na bahagi ng Nemesio Tan Estate sa Capiz.
Pagkatapos ng 24 na taong pakikipaglaban para sa kanilang karapatan, ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ay nakapasok na ng Nemesio Tan Estate at makapagsimula itong linangin at maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Dahil sa presensya ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), aktwal at pisikal nang nakuha ng may 175 ARBs ang lupaing ipinagkaloob sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Ang Nemesio Tan Estate ay nasasakupan ng Barangay Culilang, President Roxas Capiz at mga Barangay ng Dulangan at San Estaban Capiz.
Buwan pa ng Mayo 2021 nang maibigay sa 175 mga magsasakang-benepisyaryo ang Nemesio Tan Land Holdings, subalit dahil sa matinding pagtutol ni Ferdinand Bacanto, na nagsasabing siya ang tagapangasiwa ng may-ari ng lupa at dahil na rin mayroon pang mga pananim, nawalan ang mga ARBs ng karapatan sa aktwal na pisikal na pagmamay-ari ng kanilang mga lupain.