Tuesday, April 7, 2026

Mahigit 100 personnel mula sa Puerto Princesa Police Office Station 2, inalis sa pwesto kasunod ng insidente ng pamamaril noong Biyernes Santo

Inilagay sa administrative relief ang nasa kabuuang 102 na mga tauhan ng Police Station 2 ng Puerto Princesa City Police Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente ng pamamaril noong Biyernes Santo, April 3.

Nabatid na nagresulta ang nasabing insidente sa pagkakasawi ng dalawa nilang kabaro at isang empleyado ng Bureau of Corrections (BuCor).

Kabilang sa nasabing bilang ang apat na pulis na tinukoy na rumesponde sa gulo sa isang lamay at ang station commander nito na nauna nang inilagay sa restrictive custody.

Ayon kay Police Regional Office Mimaropa Regional Director BGen. Jovencio Badua Jr., ang hakbang ay ginawa upang matiyak ang patas na imbestigasyon at maalis ang agam-agam ng publiko ukol sa posibleng pagtatakipan o lapses ng mga tauhan.

Samantala, ang lahat ng mga nasabing personnel ay nasa kustodiya ng Police Station 2 habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Kaugnay nito, papalitan ang mga nasabing personnel ng mga tauhan mula sa ibang police station rin sa Puerto Princesa.

Nagpapatuloy naman ang ang forensic examination, pagsusuri sa video at validation ng testimonya upang tukuyin ang kumpletong sequence ng nasabing insidente.

Facebook Comments