Makakauwi na sa kani-kanilang bansa ang karamihan sa mahigit isang libong dayuhan na biktima ng human trafficking na naligtas ng PNP Anti-Cybercrime Group noong Mayo-4 mula sa Clark Sun Valley Hub Corporation sa Clark Freeport and Special Economic Zone, Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Anti-Cybercrime Group (ACG) Spokesperon Police Capt. Michelle Sabino, pumayag na kasi ang Bureau of Immigration (BI) na i-waive ang multa sa mga biktima sa paglabag sa Immigration Law matapos na tumulong ang ACG sa pagproseso sa mga ito.
Sa ngayon aniya ay nag-isyu na ang BI ng allow departure order sa 936 dayuhang biktima kung saan 150 na ang na-repatriate hanggang kahapon at 140 ang paalis ng Pilipinas sa susunod na linggo.
Iniulat din ni Sabino na nagpalabas na ng indictment kahapon ang Department of Justice (DOJ) laban sa 10 suspek na kinasuhan ng paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, Cybercrime Prevention Act of 2012 at Serious Illegal Detention.
Nabatid na pinangakuan ang mga biktima ng lehitimong trabaho sa Pilipinas, pero pagdating sa bansa ay kinuha ang kanilang pasaporte at pinagtrabaho bilang call center agents na nang-hihikayat sa mga dayuhan na mamuhanan sa crypto-currency scam.