Mahigit 1,000 ng mga kawani ng NAIA, nabakunahan na ng 2nd dose laban sa COVID-19

Umaabot sa 1,329 na kawani ng pamahalaan na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nakakumpleto na ng 2nd dose ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ay matapos ang pagsisimula ng bakunahan para sa 2nd dose kahapon na ginawa sa NAIA Terminal 4.

Napag-alaman na ang 1,329 na nakakumpleto na ng bakuna sa NAIA ay bahagi ng 5,750 na una nang nabakunahan ng 1st dose ng Sinovac nitong nakalipas na buwan ng Hunyo taong kasalukuyan.


Sa susunod na mga linggo ngayong Hulyo itutuloy ang pagbabakuna sa mahigit 3,000 pa na tatanggap ng 2nd dose ng mga Kawani ng pamahalaan.

Kabilang sa mga nabakunahan ay mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Office for Transportation Security, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pa na bahagi ng One-Stop Shop sa NAIA.

Sa Agosto naman itutuloy ang pagbabakuna para sa unang dose sa iba pang tauhan ng gobyerno sa NAIA.

Facebook Comments