Mahigit 1,000 OFWs, Napauwi sa Programa ng OWWA Region 2

Cauayan City, Isabela- Nakapagtala ng kabuuang 1,342 na Overseas Filipino Worker ang nakauwi sa ilalim ng “Uwian Na” program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon kay OIC Regional Director Luzviminda Tumaliuan, siniguro niya na ang mga uuwing OFWs ay may kumpletong dokumento bago sila sunduin pauwi sa kanilang mga probinsya maging ang negatibong resulta ng RT-PCR test.

Aniya, may 400 mula Cagayan, 592 sa Isabela, 167 sa Nueva Vizcaya, 52 sa Quirino, 12 Batanes at 119 mula sa kalapit na probinsya ng Cordillera Administrative Region (CAR).


Inihayag pa niya na nasusunod ang mga safety protocols bago ang pagbiyahe ng mga ito kabilang na ang physical distancing sa loob ng bus, pagsusuot ng facemask, pagkuha ng temperature ng katawan at mayroong alcohol.

Giit pa niya, hindi na kinakailangan pang umabot sa 14-araw ang quarantine period ng mga OFW na nasa Manila batay na rin sa kautusan ng Inter-Agency Task Force na kailangang mapauwi ang mga ito na nagnegatibo naman sa swab test.

Pagtitiyak naman ni Tumaliuan na mahigpit ang kanilang koordinasyon sa pamahalaan para magsagawa ng contact tracing sakaling magkaroon ng positibong kaso ng COVID-19 sa mga nakauwing OFW.

Photo: OWWA Region 2

Facebook Comments