Umabot na sa mahigit isang libong pamilya sa ilang bayan sa batangas ang inilikas kasunod ng muling pag-alburoto ng Bulkang Taal sa mga nakalipas na araw.
Ayon sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 1,033 pamilya o katumbas ng 3,493 residente mula sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center.
139 pamilya naman o katumbas ng 679 indibidwal ang kasalukuyang nakikituloy muna sa kanilang mga kaanak.
Ang mga ito ay nakatira sa loob ng 7-kilometer danger zone sa paligid ng bulkan.
Sa kabila nito, marami pa ring residente ang piniling magpaiwan upang magbantay ng kanilang mga kabuhayan.
Ayon sa mga nag-aalaga ng fish cage sa Taal Lake, hindi nila pwedeng iwan na lamang basta-basta ang mga isda lalo na’t malaking halaga ang malulugi kapag pinabayaan ito.
Dahil dito, binigyan sila ng window hours mula alas-8 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon para magpakain ng mga alagang hayop bago bumalik sa mga evacuation center.
Patuloy din ang pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang masigurong walang mga makakalusot kabilang na ang mga turista.