Libo-libong mga dating rebelde ang inaasahang magsusumite ng aplikasyon para sa Amnesty Proclamation ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa National Amnesty Commission, posibleng mahigit 10,000 dating mga rebelde ang magsusumite ng aplikasyon.
Base sa Peace Table ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) nasa 5,000 hanggang 8,000 rebelde sa ilalim ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA) ang nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Sa hanay naman ng Moro National Liberation Front (MNLF), nasa 5,000 ang posibleng mag-apply para sa amnestiya; habang nasa 40,000 sa MILF ang una nang na-decommission.
Inaasahan namang lolobo pa ang bilang ng mga mag-a-apply ng amnestiya dahil tuloy-tuloy ang pagsuko ng mga dating rebelde.