Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Makati na umabot na sa 114,828 ang bilang ng mga residente nito na nakatanggap ng P5,000 na financial aid sa ilalim ng kanilang Makatizen Economic Relief Program (MERP).
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, ito ay bilang tugon sa kahirapang dulot ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) pandemic sa mga mamamayan nito.
Aniya, naging mabilis ang pamamahagi ng naturang ayuda dahil sa paggamit ng digital platforms upang maipaabot ang tulong pinansyal nang walang pisikal na ugnayan sa pagitan ng benepisyaryo at ng pamahalaang lungsod.
Mula nang inanunsyo ang nasabing programa, ayon sa alkalde, merong mahigit 250,000 applications na ang natanggap ng lungsod, kung saan 142,267 nito ay naaprubahan na.
Meron din aniyang 10,000 applications ang na-reject ng GCash dahil sa kulang at maling impormasyon na isinumite ng mga aplikante.
Pero makatatanggap sila ng tawag o text upang ipaalam kung papaano maaaprubahan ang kanilang mga aplikasyon para sa nasabing tulong pinansyal ng lungsod.
Tiniyak naman ni Mayor Abby na may sapat na pondo ang Makati City Government para sa 500,000 na residente nito na kwalipikado sa MERP.