Aabot sa mahigit 150 ang nahuli ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay sa smuggling ng mga agricultural products.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ni BOC Legal Service Atty. Karen Yambao na 158 apprehensions na ang naitatala ng ahensya kaugnay sa mga ipinupuslit na gulay, poultry at iba pang farm products sa bansa.
Ang mga ito aniya ay may mga kaso na ring isinampa kung saan yung iba ay hinihintay na lamang ang resolusyon sa kaso.
Iginiit naman ni Agriculture Secretary William Dar sa pagdinig na ang problema ng bansa sa “food security” ay banta na rin sa “national security” dahil sa paglipana ng smuggling ng agricultural products.
Nanawagan si Dar ng buong suporta mula sa pamahalaan para mapalakas ang anti-smuggling ng ahensya.
Malaki rin aniya ang ambag sa “economic productivity” kung suportado at binubuhusan ng pondo ng gobyerno ang mga magsasaka at sektor ng agrikultura.