Mahigit 150K indibidwal, apektado na ng oil spill

Umabot na sa 32,661 pamilya ang apektado ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Bureau Director Miramel Laxa, katumbas ito ng 151,463 indibidwal mula sa 131 mga barangay sa Oriental Mindoro, Palawan at Antique.

Sa nasabing bilang, 7,000 indibidwal mula sa anim na bayan sa Oriental Mindoro ang nabigyan na ng food packs.


Nakapaglaan na rin ang kagawaran ng kabuuang 116 milyong pisong pondo para sa Cash-for-Work Program ng 18,762 apektadong mangingisda.

Samantala, nanawagan din si Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na bilisan ang paglalabas ng resulta ng water test upang matukoy ang mga lugar na ligtas pang pangisdaan.

Ito ay upang kahit papano ay makabalik sa pangingisda ang kanilang mga residente.

Nabatid na aabot sa limang milyong piso ang nawawalang kita ng bansa kada araw dahil sa ipinatutupad na fishing ban sa mga lugar na apektado ng oil spill.

Facebook Comments